Information to Empower Filipinos
Mga natatanging Malolenyo, kinilala
Monday 28th of January 2013
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Enero 28 (PIA) -- Ginawaran kamakailan ng pagkilala ang mga Malolenyo na naging tanyag sa kani-kanilang mga larangan sa idinaos na "Bayani at Bituin ng Malolos 2013" na kaalinsabay ng selebrasyon ng ika-114 taon pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas.
Pinarangalan sina Nicolas Buendia na nagkaroon ng kalye sa Makati, Ernani Cuenco sa larangan ng musika; Purificacion Reyes, Felisa Lim Berris, Restituto Roque, Alberto Romulo at Robert Martinez sa larangan ng paglilingkod bayan; Guillermo Tolentino sa larangan ng sining biswal; Alice Crisostomo at Mutya Crisostomo na hiniriang na mga Mutya ng Pilipinas; Rafael Nicolas Dionisio sa larangan ng palakasan; Marina De Guzman sa larangan ng edukasyon at musika; Jaime Florcruz sa larangan ng komunikasyon; Proceso Tubid sa larangan ng pilosopiya; at Bulacan State University Cultural Affairs and Performing Arts sa larangan ng sining at kultura.
Itinatag noong 2011, ang Bayani at Bituin ng Malolos ay isa ring pag-alala sa mga nagbigay ng buhay sa iba’t ibang larangan pangkasaysayan.
Kabilang sa mga una nang nakatanggap ng parangal na ito ay ang mga mamamahayag na sina Arnold Clavio, CheChe Lazaro at Lhar Santiago at mga "beauty queens" na sina Czarina Gatbonton at Daisy Reyes.
Matapos ang isinagawang parangal, itinampok naman ang pagtatanghal sa mga piling tagpo sa “Las MaloleƱas” kung saan isinadula ang 20 kababaihang ginawan ng liham ni Dr. Jose Rizal.
Sinundan ito ng pagsasayaw ng Rigodon de Honor kasama ang Renaissance City of Malolos Foundation Inc. (CLJD/VFC-PIA 3)
No comments:
Post a Comment